
Nakatakda nang sampahan ng kasong pagpatay ang isang lalaking sangkot sa shooting incident sa Katipunan Avenue sa Quezon City na ikinamatay ng isang katao.
Nakilala ang suspek na si alyas Noly, 53-anyos at residente ng Brgy. UP Campus sa Quezon City.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District, nagsuntukan ang biktima at suspek sa Brgy. UP Campus.
Agad binunot ng suspek ang kanyang handgun mula sa kanyang sling bag at binaril ang biktima sa tatlong beses sa dibdib at isa sa ulo.
Tumakas ang suspek gamit ang isang motorsiklo at tinahak ang southbound ng Katipunan Avenue habang dinala naman ang biktima sa Quezon City Medical Center (QCMC) pero idineklarang dead on arrival.
Natunton naman ang suspek sa pamamagitan ng kanyang Facebook account kung saan kinontak ng PNP ang kanyang anak sa messenger.
Nang makaugnayan ang anak ng suspek ay agad tinungo ng District Intelligence Division (DID) ang lugar at dito boluntaryong sumuko ang suspek.









