Suspek sa Silawan slay case, natagpuang patay sa piitan

1171

Paalala: May ilang sensitibong bagay ang naisulat sa artikulong ito. Importante ang patnubay sa mga menor de edad o wala pa sa tamang disposisyon na maaring makabasa ng ganitong istorya. 

Nakabitin at wala nang buhay nang matagpuan sa banyo ng kulungan ang pangunahing suspek sa karumadal-dumal na pagpaslang kay Christine Lee Silawan noong nakaraang taon.


Ayon kay Lapu-Lapu City Jail warden Jessie Calumpang, nakita ang bangkay ni Renato Llenes ng mga kapwa niya preso nitong Linggo.

Dinala pa ang 44-anyos na salarin sa Lapu-Lapu City District Hospital subalit idineklara siyang dead on arrival.

Dagdag ni Calumpang, wala raw sinumang dumdalaw kay Llenes simula nang mabilanggo ito.

Sa ngayon ay hinihintay ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang resulta ng autopsy para malaman kung may nangyaring foul play o sadyang nagbigti ito.

Matatandaang inamin ni Llenes na siya ang pumaslang  kay Silawan, na natagpuang ang bangkay sa isang bakanteng lote sa Barangay Bangkal, Lapu-Lapu City, Cebu noong Marso 11, 2019.




Bukod sa mga tinamong saksak, ginilitan, tinanggalan ng internal organs, at binalatan pa ang mukha ng 16-anyos na biktima.

Facebook Comments