Posible ring kasuhan ng Commission on Election (COMELEC) si suspended Bamban Mayor Alice Guo.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na paglabag sa Omnibus Election Code ang pagsisinungaling at pagpapakilala ni Guo bilang Filipino citizen nang tumakbo ito sa halalan noong 2022.
Giit ni Laudiangco, pinanumpaan ang Certificate of Candidacy (COC) kaya pwedeng kasuhan ng election offense si Mayor Guo.
“Ang kanyang COC bagama’t matagal nang nai-file, 2021 pa ay isang sinumpaang salaysay. Kung mapapatunayan po naming na siya ay merong material misrepresentation, pagsisinungaling d’yan, pagsasabi na siya ay kwalipikado pero hindi naman, ay pwede po siyang masampahan ng election offense. Ito po ay election offense dahil pagke-claim po na qualified siyang tumakbo kahit hindi naman,” ani Laudiangco.
Nilinaw naman ni Laudiangco na tatanggapin pa rin nila ang ihahaing COC ni Guo sakaling tumakbo ulit ito sa halalan.
Pero, asahan na aniya ni Guo na tatapatan ito ng COMELEC ng petition for disqualification gamit ang hatol ng korte sakaling pumabor ito sa quo warranto petition ng Office of Solicitor General.
“Kung sakali man pong ang korte kung saan magsasampa ng kaso ang OSG ay magpaparusa sa kanya na siya ay disqualified. Kung sakaling mag-file siya ng COC, tatanggapin pa rin po naming pero asahan na po niya ang aming pagfa-file ng petition for disqualification gamit ang desisyon ng korte,” dagdag ni Laudiangco.
Una nang tiniyak ng Office of Solicitor General ang agarang pagsasampa ng quo warranto case laban kay Guo matapos na kumpirmahin ng NBI na iisang tao lang ang alkalde at ang Chinese national na si Guo Hua Ping.