Kinumpirma ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa na haharap si suspended Cong. Arnolfo Teves Jr., sa imbestigasyon ng Senado patungkol sa karumal-damal na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Si Teves ang itinuturo ng Department of Justice (DOJ) na utak at financier sa pagpatay kay Gov. Degamo batay sa mga inisyal nilang nakalap na impormasyon at testimonya ng mga nadakip na suspek sa krimen.
Ayon kay Dela Rosa, nagpaabot ng commitment at kinumpirma ni Teves sa pamamagitan ng kanyang secretary na haharap siya sa pagdinig ng komite ‘virtually’.
Sinabi ni Dela Rosa na napakahalagang makuha ng kanyang komite ang panig ni Teves.
Wala rin aniyang problema sa kanya ang pakay ni Teves sa desisyon nitong dumalo sa pagdinig ng Senado ay linisin ang kanyang pangalan.
Aniya pa, maaaring ihayag ni Teves ang anumang gusto nitong sabihin tungkol sa isyu at siya bilang Chairman ng komite ay naroroon naman para kontrolin ang magiging takbo ng pagdinig.
Tiniyak din ni Dela Rosa na hindi niya hahayaang magamit ni Teves sa ‘grandstanding’ ang committee hearing.
Dagdag pa ni Dela Rosa, hindi niya batid kung anong motibo ni Teves na mas pinili nitong makipag-cooperate sa Senado sa halip na sundin ang panawagan ni Speaker Martin Romualdez na umuwi na ng bansa.
Magkagayunman, kung biglang hindi na dumalo sa pagdinig si Teves ay hindi naman ito maaaring mai-cite for contempt dahil may ‘interparliamentary courtesy’ na dapat sundin at kilalanin ng Kongreso.