Suspended Cong. Arnolfo Teves Jr., hindi pipilitin ng Senado na dumalo sa imbestigasyon patungkol sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo

Hindi pipilitin ng Senado na paharapin si suspended Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr., sa imbestigasyon patungkol sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ayon kay Public Order Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa, sakaling i-invoke o hilingin ni Teves ang ‘interparliamentary courtesy’ ay nakahanda naman ang Mataas na Kapulungan na ibigay ang kortesiyang ito sa kongresista.

Ibinibigay ang ‘interparliamentary courtesy’ sa mga myembro ng Kongreso bilang ang mga ito ay pantay at ang Senado at Kamara ay co-equal branch ng lehislasyon.


Paglilinaw naman ni dela Rosa, ang imbitasyon kay Teves sa pagdinig ay hindi bilang isang resource person kundi bilang myembro ng House of Representatives na ang pangalan ay nakakaladkad sa isyu ng pagpaslang sa gobernador.

Aniya pa, minsan na nila itong ginawa kung saan napaharap noon si Teves sa pagsisiyasat ng Senado tungkol sa e-sabong at ginamit ng mambabatas ang pagkakataon na ito para masabi ang kanyang panig.

Dagdag pa ni Dela Rosa, ang imbestigasyon ng mataas na kapulungan ay ‘in aid of legislation’ na sesentro sa policy issues na maaaring ayusin o makalikha ng batas sa pamamagitan ng lehislasyon.

Facebook Comments