Pahaharapin ng Senado si suspended Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr., tungkol sa gagawing imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Itinakda na sa April 17, alas-10:00 ng umaga, ang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa Degamo slay case.
Ayon kay Public Order Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa, papayagan nilang dumalo si Teves sa pagdinig “physically o virtually”.
Si Teves ay tinukoy ng Department of Justice (DOJ) na siyang highest mastermind at pinaka-financier sa pagpaslang kay Degamo.
Imbitado rin sa pagsisiyasat ng Senado ang kapatid ng suspended Congressman na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves at ang mga naarestong suspek sa kaso kapag natanggap agad ng komite ang clearance mula sa korte.
Maging ang byuda ng biktima na si Pamplona Mayor Janice Degamo at ang pamilya nito ay dadalo rin sa pagdinig.
Kasama rin sa imbitado sa imbestigasyon ang COMELEC, PNP, DOJ, DILG, AFP, CAAP gayundin ang iba pang mahahalagang resource persons sa Degamo case at sa iba pang kaso ng mga patayan sa mga lokal na pamahalaang opisyal sa Negros.