Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na posibleng dumating sa bansa bukas ng umaga si suspended Congressman Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay Remulla, may kausap siyang reliable source na nakakaalam ng flight details ni Teves pauwi ng Pilipinas bukas.
Aniya, marahil ay nahirapan nang gumalaw sa abroad ang mambabatas dahil sa pagtimbre nila sa mga karatig na bansa hinggil sa umuusad na proseso ng pagdedeklara dito bilang terorista.
Tiniyak naman ng kalihim na hindi aarestuhin si Teves dahil hindi pa naman naisasampa ang mga kaso laban dito.
Sinabi ni Remulla na sa pagkakaalam niya ay naghahanda na rin ang Philippine National Police (PNP) para sa pagbibigay ng seguridad kay Teves pagdating sa airport.
Samantala, tiniyak ni Remulla na tuloy bukas ng tanghali ang paghahain nila ng kasong 10 counts ng murder at frustrated murder laban kay Teves
May kaugnayan ito sa pagpatay kay Governor Roel Degamo at 9 na iba pa sa Negros Oriental.