Suspended Mayor Alice Guo at pitong iba pa, inisyuhan na ng warrant of arrest ng Senado

Inisyu na ng Senado ang warrant of arrest laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo o Guo Hua Ping at sa pitong iba pa matapos na isnabin ng mga ito ang subpoena para sa imbestigasyon tungkol sa iligal na operasyon at mga criminal activities ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa Tarlac.

Binibigyan ang Senate Sergeant at Arms ng 24 oras para maipatupad at maisilbi ang arrest order.

Bukod sa suspendidong alkalde, inisyuhan din ng arrest warrant ang pamilya ni Guo na sina Jian Zhong Guo na ama ni Mayor Alice, Lin Wenyi ang sinasabing biological mother ng alkalde, at mga kapatid na sina Shiela, Seimen at Wesley Guo.


Ipinaaaresto rin sina dating Technology and Livelihood Resource Center Deputy Director General Dennis Cunanan at Nancy Gamo na accountant ni Mayor Guo.

Pirmado nina Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros at Senate President Francis Chiz Escudero ang mga arrest order.

Ang mga naisyuhan ng warrant of arrest ay ide-detain muna sa Senado hanggang sa maiharap ang mga ito sa pagdinig na itinakda sa July 29.

Bukod sa warrant of arrest, nagpalabas na rin ng subpoena ang Senado para naman sa iba pang resource persons na una nang inimbitahan ng komite subalit bigo ring dumalo sa pagdinig.

Facebook Comments