Suspended Mayor Alice Guo, nagsisinungaling ayon sa accountant nitong si Nancy Gamo

Iginiit ng accountant na si Nancy Gamo na nagsisinungaling sa Senado ang kaniyang kliyente na si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Matatandaang itinanggi ng suspendidong alkalde na kilala niya si Gamo na kaniyang accountant sa mga negosyo at maging sa mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.

Ayon kay Gamo, ang mayora mismo ang kaniyang kausap sa mga dokumentong nilakad niya para sa incorporation ng Hongsheng at Zun Yuan.


Itinuro rin ni Gamo na si Guo ang nagbigay sa kaniya ng listahan ng mga pangalan at iba pang detalye ng mga incorporators sa dalawang POGO.

Aniya pa, si Guo lang naman ang kaniyang kliyente sa Tarlac at kung may nakakakilala man sa kaniya sa lugar ay si Mayor Alice ito.

Sinang-ayunan ni Gamo ang obserbasyon ni Senator Sherwin Gatchalian na sa lahat ng ito ay may aktibong partispasyon si Mayor Guo sa iligal na pagtatayo at operasyon ng POGO sa Bamban.

Samantala, pinalaya na rin sa kustodiya ng Senado si Gamo matapos magmosyon si Senator Robin Padilla na inaprubahan naman ng komite.

Facebook Comments