“No show” sa pagdinig ngayong araw ng Senate Committee on Women si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ipagpapatuloy ngayong umaga ang imbestigasyon ng Senado patungkol sa cyber-fraud operations at human-trafficking cases na kinasangkutan ng ilang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kung saan kabilang sa sinisiyasat ang POGO hub sa Bamban.
Sa impormasyong ibinigay ng legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David, may sakit at stressed si Mayor Guo kaya hindi muna makahaharap sa pagdinig ng komite.
Ito rin ang unang pagkakataon na hindi nakadalo si Guo sa pagdinig ng Senado.
Samantala, kasalukuyang naka-executive session ngayon ang komite kasama ang Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Matatandaan na sa huling pagdinig ay dismayado sina Committee Chairperson Risa Hontiveros at Senator Sherwin Gatchalian dahil bigo ang AMLC na mabantayan ang pagpasok ng tinatayang nasa ₱6.1 billion na halaga para sa pagpapatayo at operasyon ng POGO sa Bamban.
Wala ring maibigay na dokumento at paliwanag ang AMLC noong nakaraang pagdinig kung paano nakapasok ang ganoong kalaking halaga sa bansa.