Wala nang ibang pwedeng puntahan si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaya mainam na sumuko na lamang ito.
Ito ang panawagan ni Senator Sherwin Gatchalian kay Guo na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikita at naaaresto ng Office of the Senate Sergeant-At-Arms (OSAA).
Tiwala si Gatchalian na hindi na makakalabas ng kaniyang bahay si Guo dahil hindi na normal ang kaniyang buhay at pwedeng mahuli siya ng mga awtoridad kaya mas makabubuti kung susuko na ito.
Inirekomenda rin ng senador sa OSAA na magpatulong na sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at sa mga local government units (LGUs) kapag hindi pa rin nahahanap o nadadakip si Guo at ang pamilya nito.
Maaari aniyang magamit ng OSAA ang tulong ng mga LGUs para sakaling may makita na labas-pasok sa mga address ng mga ito ay agad na maititimbre sa mga awtoridad.
Kumpiyansa naman si Gatchalian na naririto pa sa bansa si Guo dahil nakaalerto ang Bureau of Immigration sa mga entry at exit points ng bansa maliban na lamang kung pipilitin ng alkalde na mag-back door sa Zamboanga o Tawi-Tawi para makalabas ng bansa.