Manila, Philippines – Kaagad na iniutos ng pamahalaang lungsod ng Makati ang pagsuspende sa isinasagawang anti-dengue vaccination drive sa mga mag-aaral at kawani ng pamahalaang lungsod, matapos lumabas ang negatibong balita tungkol sa bakunang ipinamahagi ng Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan.
Inatasan din ni Makati Mayor Abby Binay si Health Department Officer in charge Dr. Bernard Sese na makipag-ugnayan sa Departmet of Education (DepEd) Makati para sa pagmo-monitor ng kalagayan ng mga mag-aaral na nabakunahan na laban sa dengue.
Minabuti ng lokal na pamahalaan na itigil muna pansamantala ang pagbabakuna habang hinihintay ang DOH na maglabas ng paglilinaw at kongkretong guidelines tungkol sa naturang usapin.
Noong Agosto 14, inilunsad ng pamahalaang lungsod ang city-wide vaccination program laban sa dengue para sa mga batang may edad siyam hanggang labing-apat na taon.
Nakatanggap ang lungsod ng Makati ng 65,000 units ng anti-dengue vaccine mula sa DOH.
Ayon kay Dr. Sese, ang pagbabakuna sa mga paaralang hindi pa napuntahan ng Medical teams ay ipagpapaliban muna hanggang magpalabas ng kaukulang advisory ang DOH.
Nitong Miyerkules, nagpalabas ang Sanofi Pasteur, manufacturer ng dengue vaccine na Dengvaxia ng pahayag na nagsasabing maaaring mapanganib sa kalusugan ang naturang bakuna kapag naibigay sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue.