SUSPENDIDO NANAMAN | Deliberasyon sa budget ng PCOO, muling nabitin sa Kamara

Manila, Philippines – Suspendido nanaman ang deliberasyon sa 2019 budget ng Presidential Communications Operations Office dahil “no show” nanaman si Asec. Mocha Uson.

Sa umpisa pa lamang ng pagsalang ng P1.4 Billion na PCOO budget, agad na kinuwestyon ni ACT TEACHERS Rep. France Castro kung nasaan si Uson.

Dahil wala nanaman si Uson agad na sinuspinde na muna ang pagtalakay sa PCOO budget.


Paliwanag naman ni Sec. Martin Andanar, sinulatan na nila si Uson at iginiit na kinakailangan nitong dumalo sa budget deliberation sa Kamara pero wala itong sagot.

Sa kanya umanong pagkakaalam, si Uson ay nasa biyahe na pabalik ng bansa mula sa Estados Unidos at bukas ang dating nito pero hindi naman sigurado ang oras ng pagdating sa bansa.

Noong nakaraang linggo ay nabitin na rin ang PCOO budget deliberation dahil sa kaparehong dahilan at isasalang lamang ito sa plenaryo kapag humarap na si Uson sa budget hearing.

Facebook Comments