Sinungaling, walang kwenta at dapat na magbitiw sa kaniyang pwesto!
‘Yan ang mga banat ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa gitna ng alegasyon na siya ang utak sa pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Percy Lapid.
Sa isang panayam, sinabi ni Bantag na pinalalabas lang ni Remulla na siya ang pumatay kay Lapid, gayunman wala umano siyang kinalaman dito.
Hindi aniya totoo ang sinabi ni Remulla na pinapatay niya si Lapid matapos nitong ipalabas sa radio program ang kaniyang mga bahay at sasakyan.
Dagdag pa ni Bantag, imbes na siya ay pag-initan ay mas mabuting bumaba na lang si Remulla sa pwesto dahil wala umano itong kredibilidad na mamuno.
Inakusahan pa ni Bantag si Remulla sa plano nito sa politika sa 2025 at ginagamit lamang ang DOJ para sa exposure.
Tahasang sinabi rin ni Bantag na ginagamit lang ni Remulla ang kasong pagpaslang kay Lapid para takpan ang isyung kinasasangkutan ng kaniyang anak na si Juanito Jose Remulla III matapos mahulihan ito ng parcel na naglalaman ng P1.3 million halaga ng high-grade marijuana.
Ibinunyag din ni Bantag na gumagamit ng marijuana si Remulla at sinusubukan nito na kontrolin ang mga drug lord sa bilangguan.
Inamin din ni Bantag na inutos ni Remulla ang pagpapalaya sa dalawang persons deprived of liberty (PDLs) na sina Engelberto Durano at Nonilo Arile.
Sina Durano at Arile ay kabilang sa mga PDL na nagsilbing saksi laban sa dating Senador Leila de Lima para sa mga kasong may kinalaman sa droga na isinampa laban sa kaniya noong 2017.
Dagdag pa ni Bantag, inutusan din ni Remulla ang National Bureau of Investigation (NBI) na kumuha ng PDL sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) na kinilalang si German Agojo na umano’y iniugnay sa pinatay at sinasabing middleman na si Jun Villamor at kay self-confessed gunman na si Joel Escorial.
Una nang sinabi ng abagado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na walang rason para magtago si Bantag dahil wala namang arrest warrant laban sa kaniya.
Dagdag pa ni Atty. Balisong, handa raw linisin ni Bantag ang pangalan nito at hinihintay lang na matanggap ang subpoena upang makapaghanda sila ng counter-affidavit.