Nanindigan ang Office of the President na walang nilabag sa due process ang ipinataw nitong preventive suspension kay Davao del Norte Governor Edwin Jubahib.
Matatandaang sinuspinde ng OP si Jubahib ng 60 araw dahil sa misuse of authority, potential oppression, at paggamit ng pondo ng gobyerno pabor sa interes ng pribadong kompanya.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, dumaan sa masusing pagsusuri ang administrative complaint na inihain ni Board Member Orly Amit laban sa gobernador at nakitaan ng OP ng sapat na batayan ang reklamo para isuspinde si Juhabahib dahil sa grave abuse of authority and oppression.
Iniutos din ng OP ang suspensyon ni Jubahib para maiwasan ang anumang intereference o hadlang sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Nilinaw rin ni Bersamin na ang preventive suspension iniutos lamang matapos na pagsamahin ang mga isyu batay sa Section 63 (a) ng Republic Act No. 7160 at Sections 1 at 4, Rule 6 ng Administrative Order No. 23 series of 1992 .
Nananatili aniya ang commitment ng OP na tiyaking transparent at patas ang paglilitis sa mga administratibong kaso.