Suspension sa IRM, suportado ng mga senador

Buo nga ang suporta ng mga senador sa pagsuspinde ng PhilHealth sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM).

Para kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, sa suspensyon ng IRM ay mainam na isabay na rin ang pagpapalit sa buong liderato ng PhilHealth.

Ayon kay Sotto, dapat palitan ito ng ibang empleyado ng PhilHealth na maaasahan at may malinis na records para magpatuloy sa mga programa ng ahensya.


Diin naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, maaaring manatili ang suspensyon hangga’t hindi nailalatag ang tamang formula na hahadlang sa korapsyon.

Ipinaliwanag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang kahalagahan na magkaroon ng standards para hindi makasingit ang katiwalian at favoritism sa pagbibigay ng IRM funds.

Sabi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, makabubuting itigil muna ang IRM hangga’t hindi nareresolba ang hindi patas at hindi makatwirang distribusyon ng pondo at hangga’t hindi pa tapos ang liquidation sa nailabas ng pondo.

Iginiit naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na gawing limitado o pansamantala lamang ang suspensyon sa IRM habang nirerepaso ang listahan sa mga dapat makatanggap nito.

Pabor din si Senator Risa Hontiveros na temporary lang ang suspensyon hangga’t hindi pa nalilinaw ang isyu ng favoritism at iregularidad upang kapag muli itong itinuloy ay masigurong umaayon na sa tamang criteria at tumutugon sa pandemya.

Facebook Comments