Nanawagan si Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin sa pamahalaan at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na palawigin ang suspensyon sa service disconnection sa mga utility bills at eviction sa mga renta at sangla ng mga pag-aari.
Ang hirit ng kongresista ay kasunod na rin ng pagpapalawig pa ng isang taon sa deklarasyong ‘state of calamity’ ng bansa.
Umapela si Garbin sa gobyerno at sa mga regulators na huwag munang magpataw ng disconnections at ipa-evict sa kanilang mga inuupahan ang mga renters hanggang January 31, 2021.
Hiniling din ng kongresista na ipagbawal muna ang pagtataas ng rent rates at interest rates habang may pandemya.
Inirekomenda ni Garbin na payagan ang staggered payments o installment na bayad at debt o payables restructuring upang kahit papaano ay mayroon pa ring papasok na kita sa mga creditors at mapapanatili pa nila ang mga kliyente.
Iginiit ng kongresista na sa panahong ito ay hindi pa nakakabawi ang mga household at mga negosyo kaya kinakailangan ng mga ito ng sapat pang panahon para kumita at makapag-ipon para may maibayad sa kanilang mga utility bills at mga renta.