Kinukuwestyon nina Philippine Rural Electric Cooperative Association (PHILRECA) Party-list Rep. Presley De Jesus at Iloilo Rep. Julienne ‘Jamjam’ Baronda ang pagsuspinde ng Ombudsman kay National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny Antiporda.
Nakababahala para kay De Jesus na ang isang magaling na tao ng gobyerno ay sisirain ng Ombudsman dahil lang sa kaniyang management style na tama lang naman na gawin dahil marami umanong anomalya sa NIA.
Pinuri din ni De Jesus ang Public-Private Partnership proposal ni Antiporda na siguradong magpapadami sa mga proyektong makatutulong din sa electricity (supply) problem sa rural areas.
Diin nina De Jesus at Baronda, nakapagtataka kung paanong agad na tinugunan ang reklamong grave misconduct, harassment, oppression at ignorance of the law laban kay Antiporda habang ang mas naunang graft and corruption charges na inihain ni Antiporda laban sa mga dating opisyal ng NIA ay hindi inaaksyunan hanggang sa ngayon ng Ombudsman.
Dagdag pa ni Baronda, kaduda-duda rin ang timing ng suspensyon kay Antiporda dahil inilabas ito matapos aprubahan ng kongreso ang panukalang budget para sa Ombudsman at habang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siyang nagtalaga kay Antiporda ay abala sa APEC meeting.