Sa pagdinig ng Senado ay iginiit ni Senator Grace Poe na dapat ay suspendido na ngayon si Health Secretary Francisco Duque matapos lumabas ang report ng Commission on Audit (COA) na nagpapakita sa maling paggamit sa pondong inilaan pantugon sa COVID-19 pandemic.
Inihalimbawa ni Poe ang preventive suspension na ipinag-utos noong nakaraang taon ni Ombudsman Samuel Martires sa walong opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at lima pang opisyal ng Department of Health (DOH) dahil sa katiwalian sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Poe, kung paiiralin ngayong ang kaparehong patakaran noong nakaraang taon dapat ay suspendido na si Duque.
Tinukoy ni Poe na nakasaad sa 2020 COA report na P11.89-B ang na unobligated o hindi naibigay na hazard pay at Special Risk Allowance (SRA) sa healthcare workers.
Ayon kay Poe, bukod pa ito sa P42.1 billion na inilipat sa iba’t ibang partner agencies ng walang Memorandum of Agreement (MOA).
Giit ni Poe, hindi hindi lamang ito kapabayaan, kundi kriminal din.