Suspensyon ng DOJ sa maagang pagpapalaya sa mga bilanggo, suportado ng liderato ng minorya sa Senado

Manila, Philippines – Buo ang suporta ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa desisyon ng Department of Justice o DOJ na suspendehin ang proseso sa maagang pagpapalaya sa mga bilanggo sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance o GCTA law.

May hinala si Drilon na nagkaroon ng kabayaan o kwestyunableng galaw sa loob ng Bureau of Correction o BuCor para mapaboran ang mayayaman at makapangyarihang bilanggo.

Pangunahing tinukoy ni Drilon si Calauan Mayor Antonio Sanchez na napabalitang kasama sa 11,000 preso na makikinabang sa GCTA law.


Iginiit ni Drilon na kung ikokonsidera ang mga naging paglabag ni Sanchez habang nakakulong ay hindi dapat lumabas sa computation ng BuCor na napagsilbihan na ni Sanchez ang hatol na na 49-taong pagkakakulong.

Sa kabila nito ay isa namang malaking katanungan para kay Drilon kung apektado ba sa hakbang ng DOJ ang mga bilanggo na nahatulang guilty sa paggawa ng karumaldumal na krimen pero nakalaya na sa ilalim ng GCTA.

Facebook Comments