Suspensyon ng pagpapawalang-bisa sa VFA, walang kinalaman sa isyu sa West Philipine Sea

Naniniwala si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na walang kinalaman sa isyu sa West Philippine Sea ang desisyon ng gobyerno na suspendihin ang pagpapawalang-bisa sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Estados Unidos.

Ayon kay Lorenzana, may sariling diskarte ang Amerika sa kanilang ginagawang pagpapatrolya sa West Philippine Sea na kanilang itinuturing na bahagi ng “freedom of navigation” sa international waters.

Giit pa ng kalihim, may sariling paraan din ang Pilipinas para itaguyod ang soberenya ng bansa sa mga pinag-aagawang isla sa West Philippines Sea.


Aniya, ang magiging posibleng benepisyo ng desisyon ng gobyerno na huwag munang itigil ang VFA ay ang tulong ng Estados Unidos sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Sinabi pa nito na marami na ang naitulong ng VFA sa nakalipas na panahon sa paglaban sa terorismo at sa panahon ng kalamidad, at maaring madagdagan ang tulong ng Amerika sa Pilipinas ngayong nahaharap ang bansa sa problema sa COVID-19.

Matatandaang February 11, 2020 nang pormal na inabisuhan ng gobyerno  ang Amerika na ite-terminate ang VFA ngunit inabisuhan ng Pilipinas ang Estados Unidos nitong June 1, 2020 na hindi na muna itutuloy ang pagpapatupad nito.

Facebook Comments