Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na walang mauudlot na benepisyo matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagpapaliban ng dagdag-kontribusyon.
Ayon kay PhilHealth Acting Vice President for Corporate Affairs Group Rey Baleña, walang dapat ikabahala ang kanilang mga miyembro dahil hindi maaapektuhan ng suspensyon ng premium rate hike ang kabuuang operasyon ng ahensya.
“Ito pong direktiba ng Pangulo ay kailanman ay hindi makakaapekto sa operasyon ng PhilHealth at sa overall implementation ng ating programa,” ani Baleña sa interview ng RMN DZXL 558.
“Makakaasa ang ating mga kababayan na yung current level ng benefits, hindi yan mababago, hindi mauurong, patuloy yan na ipagkakaloob natin sa mga miyembro. At maging dun sa mga bagong benefits na due for rollout, tuloy naman po yan, meron lang tayong ilang tinitingnan na implementation adjustment,” dagdag ng opisyal.
Bago ito, sinabi ni Baleña na posibleng magkaroon ng adjustment sa mga bagong benepisyo gaya ng severe acute malnutrition package at outpatient mental health package na ipapatupad ngayong taon dahil sa pagkaantala ng dagdag-kontribusyon.
Samantala, tuloy ang pagpapatupad ng 5% na premium rate hike at adjustment na income ceiling sa ₱100,000 sa 2024 alinsunod sa Universal Health Care Law, maliban na lamang kung magpalabas ng bagong abiso ang Pangulo.
“Noong 2021, nasuspend din di ba? Dapat ay from 3% magiging 3.5%. Noong 2022, pinayagan naman tayong ipatupad. So ang ipinatupad natin, kung ano yung naka-schedule sa batas,” paliwanag ni Baleña.
Ang nakatakdang taas-singil sa kontribusyon ay alinsunod sa UHC Law kung saan kinakailangang itaas ang PhilHealth contributions hanggang sa 2024.