Binawi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon ng operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa bansa.
Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma – pwede nang mag-operate ang mga Authorized Agent Corporation (AAC) basta tumalima ang mga ito sa mga sumusunod na kondisyon:
- Ang mga AAC ay dapat makapagdeposito sa PCSO ng cash bond katumbas ng tatlong buwan ng PCSO share sa guaranteed minimum monthly retail receipts (GMMRR)
- Kapag nabigong mai-remit ang GMMRR, ang cash bond ay awtomatikong forfeited.
- Dapat magkaroon ng kasulatan ang bawat AAC na susunod ito sa obligasyon nito sa ilalim ng STL agency agreement, hindi maniningil sa gobyerno o kukuha ng temporary restraining order (TRO) sa korte laban sa mga karapatan ng pamahalaan.
Babala ni Garma – ang STL agency agreement ay awtomatikong kakanselahin sa AAC kapag nakitaan ng paglabag sa mga inilatag na kondisyon
Sinabi naman ni Presidential spokesperson Salvador Panelo – kailangang maghulog ng tatlong buwang deposit ang mga compliant franchise holder habang ang mga non-compliant ay dapat magbayad sa kanilang atraso.
Magiging epektibo ang utos ng Pangulo matapos maisapubliko ang mga alituntunin at dapat na masunod ang mga inilatag na kundisyon.
Matatandaan nitong Hulyo ay ipinahinto ni Pangulong Duterte ang lahat ng gaming operations ng Pcso dahil sa alegasyon ng korapsyon.
Una nang ibinalik ang operasyon ng lotto games.