Nangako ang gobyerno na pag-aaralan ang probisyon ng Department Order 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ang isa sa napagkasunduan sa naging pulong ng PISTON at MANIBELA kina Executive Secretary Lucas Bersamin at Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil sa Malacañang kahapon.
Sa press conference sa Quezon City kanina, sinabi ni PISTON National President Mody Floranda na tiniyak sa kanila ng pamahalaan na magiging bahagi ang public transport sa masusing pag-aaral sa probisyon.
Binigyang-diin din niya sa pulong ang naging pahayag mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi dapat tanggalin ang mga tradisyunal na jeep kung maayos pa naman itong naiba-biyahe.
Nilinaw naman ni Ka Mody na pansamantala lamang ang suspensyon nila sa tigil-pasda.
Aniya, hindi kasi mawawala ang pangamba ng mga jeepney driver at operators hangga’t hindi ibinabasura ng pangulo ang Omnibus Franchising Guidelines.