Suspensyon ng trabaho sa Senado, pinalawig pa dahil sa COVID-19 surge

Pinalawig pa ng isang linggo ang suspensyon ng trabaho sa Senado kaya suspended muna uli ang session at magbabalik sa susunod na Lunes, January24.

Paliwanag ni Senate President Tito Sotto III, papahupain muna nila ang COVID surge sa Senado.

Sabi ni Sotto, marami sa mga empleyado ng secretariat at maging mga staff ng mga senador ang tinamaan ng COVID-19.


Nilinaw naman ni Sotto na tuloy pa rin ang mga naka-schedule na pagdinig at pulong ng mga komite sa Senado gayundin ang Bicameral Conference Committee pero lahat ay via online o virtual lamang.

Inihayag naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na 88 ang actibong kaso ng COVID-19 sa mga empleyado ng Senado at bukod pa rito ang 196 na naka home quarantine.

Ayon kay Zubiri, dahil kulang ang kanilang mga staff ay inirekomenda ng Senate Medical team na ituloy muna ang work holiday para maka-recover ang mga empleyado.

Nakasaad naman sa memorandum ni Senate Secretary Myra Villarica na suspensyon ng pasok sa Senado ay magbigay daan sa puspusang sanitation at disinfection sa gusali at paligid nito.

Sinabihan din ang mga empleyado ng Senado na laging maging available kapag tinawagan at kapag kailangan habang sila ay nasa work from home arrangement.

Facebook Comments