Suspensyon sa excise tax sa produktong petrolyo, balak na pamasko sa mga Pilipino

Sa Disyembre na target aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pansamantalang suspensyon at tapyas sa “excise tax” sa mga produktong petrolyo.

Ito umano ay bilang regalo sa Pasko para sa mga Pilipino.

Sa pulong balitaan, sinabi ni House Committee on Energy Vice Chairman Jesus Suntay na tiyak na pagtitibayin ng Kamara ang House Bill 10488 bago mag-Pasko upang maibsan naman ang epekto sa taumbayan ng serye ng oil price hike.


Naniniwala rin ang mambabatas na maging ang Senado ay ganito rin ang pananaw na nais maipasa agad ang panukala na magandang pang “Christmas gift” sa mga Pilipino.

Sa oras na maging ganap na batas ay ipatutupad sa loob ng anim na buwan ang “zero” na excise tax sa diesel, kerosene at LPG habang kaltas-buwis sa gasolina.

Bagama’t inaasahan na ang malaking kawalan sa kita ng pamahalaan, hindi naman aniya “long term” o pang-matagalan ang negatibong epekto nito.

Sa ngayon ay isasalang na sa second reading approval ang panukala at natapos na ang period of sponsorship at debates dito.

Facebook Comments