Pinalawig pa ng Department of Agriculture (DA) ng 30 araw ang suspensyon sa pagbiyahe ng poultry at non-poultry live birds mula Luzon patungong Visayas, Mindanao at sa MIMAROPA dahil sa bird flu outbreak.
Ayon sa DA, nadagdagan pa ang mga lugar na nakapagtala ng bird flu kung saan karamihan sa mga apketado nito ay mga itik at pugo.
Hindi naman kasama sa extended travel ban ang day old breeder chicks, day old pullets at hatching eggs basta’t galing sa mga lungsod o munisipalidad na walang naitalang kaso ng bird flu.
Gayunman, kailangan ang negative test result ng mga manok at itlog mula sa pinanggalingan nitong farm.
Samantala, ipinagbabawal pa rin ang inter-regional movement ng mga pato at itik sa loob ng mainland Luzon.
Kabilang sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng bird flu ay ang Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Bataan, Laguna, Camarines Sur, Benguet, Sultan Kudarat, North Cotabato at Davao del Sur.