Manila, Philippines – Umapela muli si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate na suspendihin ang TRAIN Law.
Nanawagan din si Zarate sa mga kasamahang kongresista na aprubahan ang House Bill 7563 na nagpapasuspinde sa TRAIN Law.
Hinimok din ng kongresista ang Korte Suprema na katigan ang kanilang petisyon na nagpapadeklarang unconstitutional ang nasabing batas.
Ang panawagan ay kasunod na rin ng pagpapatupad ng second tranche ng TRAIN Law o ang dagdag na excise tax sa langis at mga produktong petrolyo.
Tinawag pa ng mambabatas na malupit at brutal ang pamahalaan dahil sa pagtuloy pa rin na implementasyon ng ikalawang bugso ng excise tax sa fuel dahil hindi pa naman talaga nakakabawi at nakakabangon ang mga Pilipino sa nakaraang epekto ng mataas na inflation rate sa bansa.
Dahil din sa nakaraang taon na mataas na inflation rate, ang manggagawa o empleyado na sumasahod ng P10,000 kada buwan ay bumaba sa P352 ang purchasing power o P4,226 sa buong 2018 dahil sa mahal ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.