Maaaring palawigin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ng hanggang anim na buwan ang suspensyon ng pagpapawalang bisa sa Visiting Forces Agreeent (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Nabatid na ipinatigil ng pamahalaan sa loob ng anim na buwan ang nakatakdang pagkansela sa military agreement nitong Hunyo at nakatakdang mapaso sa susunod na buwan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pwedeng humiling ang Pangulo ng panibagong anim na buwan bago tuluyang ibasura ang VFA.
Iginiit ni Roque na hindi nagmamadali si Pangulong Duterte hinggil dito dahil batay sa abisong ipinadala ng Pilipinas sa US ay mayroong isang taong leeway bago ito mapawalang bisa.
Una nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na ipinauubaya na niya ang desisyon kay Pangulong Duterte kung itutuloy ang VFA abrogation.
Para kay Locsin, mahalaga ang presensya ng Amerika sa Asya para sa katatagan ng rehiyon at balanse ng kapangyarihan.