Manila, Philippines – Handa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi ituloy ang pagbabawal sa EDSA sa mga sasakyang driver lang ang sakay.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia hindi nila ipipilit ang High Occupancy Vehicle (HOV) lanes sa EDSA tuwing rush hour kung hindi naman epektibo.
Sinabi pa ni Garcia na magsasagawa muna sila ng isang linggong dry run hinggil sa nasabing polisiya bago ito tuluyang ipatupad.
Paliwanag nito kung lalabas sa kanilang pagsusuri na hindi nabawasan ang mga sasakyan at hindi bumilis ang byahe sa EDSA kahit na ipinatutupad ang driver only policy sa EDSA tuwing rush hour ay hindi na nila ito itutuloy pa.
Base sa datos ng MMDA 300,000 mga sasakyan ang bumabaybay sa EDSA kada araw kung saan pitumpong porsyento dito ay driver lamang ang sakay.