Manila, Philippines – Susubukan ni Senator Antonio Trillanes IV na lumabas ng Senado mamaya kahit may umiiral na kautusan sa Armed Force of the Philippines na siya ay arestuhin.
Ayon kay Trillanes, bagama’t walang warrant of arrest ay hindi siya manlalaban sakaling arestuhin sya kapag lumabas sya ng gusali ng Senado.
Diin ni Trillanes, sakaling sya ay arestuhin ay malalaman ng publiko na hindi sinsero ang pamahalaan sa mga pahayag na hindi siya aarestuhin hangga’t walang warrant of arrest.
Sabi ni Trillanes, ito ay magpapakita ng kawalan ng respeto sa batas ng administrasyon.
Si Trillanes ay nananatili sa Senado simula noong September 4, matapos na ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proclamation number 572 na nagpapawalang-bisa sa amnesty na ipinagkaloob sa kanya ni dating Pangulong Noynoy Aquino.