Susunod na AFP Chief, iaanunsyo na ngayong Linggo

Malalaman na sa linggong ito ang magiging kapalit ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, kapalit ni Gen. Gilbert Gapay na magreretiro na sa serbisyo sa Pebrero 4.

Sinabi ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana makaraang kumpirmahin na isinumite na sa Pangulo ng AFP Board of Generals ang short-list ng mga kandidato para pagpilian.

Batay aniya sa seniority, ang lahat ng 3-star o Lieutenant General ay kwalipikado na ma-promote bilang 4-star General, na ranggo ng AFP Chief of Staff.


Kabilang sa mga matunog na posibleng kandidatong kapalit ni Gen. Gapay sina Army Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, Navy Chief Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo, Air Force Chief Lt. Gen. Allen Paredes, Northern Luzon Command Chief Lt. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos; Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade at iba pang mga area commander.

Matatandaang sumalang muna sa mabusising pag-aaral ng AFP Board of Generals ang mga senior military officials ng AFP na napiling i-endorso ng Defense Department kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments