Susunod na plano ni Pangulong Duterte sa pulitika, hindi tatalakayin sa SONA – Roque

Hindi tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ang kanyang mga magiging plano para sa 2022 elections.

Ang ika-anim at huling SONA ng pangulo ay gaganapin na sa Lunes, July 26.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang talumpati ng Pangulo ay nakatuon sa mga gagawin ng administrasyon sa huling taon ng kanyang termino.


“Siguro po hindi mapapasama ang kanyang mga planong pulitikal. Ang importante is the roadmap for his last year in office,” ani Roque.

Dagdag pa ni Roque ang SONA ay muling pagbalik sa huling limang taon ng panunungkulan ng Pangulo at itatampok ang iba’t ibang programa ng administrasyon.

“Ang magiging porma ng SONA niya ay titignan niya ang nakalipas na limang taong siya’y naging Presidente,” sabi ni Roque.

“Po-focus siya, siyempre, sa pag-unlad ng bayan, sa ating mga social programs, infrastructure, peace and security, foreign policy,” dagdag pa ng Palace official.

Una nang sinabi ni Roque na naisapinal na ang speech ng pangulo at nagkaroon na siya ng rehearsal noong Miyerkules.

Facebook Comments