Manila, Philippines – Handa ang Sanofi Pasteur na magbigay ng kompensasyon kung mapapatunayan sa hukuman na may kaugnayan ang Dengvaxia ang pagkasawi at pagkasakit ng ilang batang nabakunahan nito.
Sa kanilang liham kay Department of Health Secretary Francisco Duque, tiniyak ng Sanofi na tatalima sila sa magiging desisyon ng korte.
Ang liham ng Sanofi ay pirmado ni Thomas Triomphe, Pinuno ng Sanofi Pasteur sa Asia Pacific Region.
Aminado rin ang Sanofi official na wala namang bakuna na 100-percent na mabisa sa pagbibigay ng proteksyon laban sa sakit.
Gaya aniya ng iba pang bakuna, hindi naman sinabi ng Sanofi na 100-percent na mabisa ang Dengvaxia.
Sa kabila nito, naninindigan ang Sanofi na na ang paggamit ng Dengvaxia sa Pilipinas ay magdudulot ng pagbaba sa bilang ng mga tinatamaan ng dengue kasama na ang severe dengue.