SUV na dumaan sa EDSA busway, inaalam kung lehitimo ang isyung protocol plate number 7

Kasalukuyan pang inaalam ng Senado kung lehitimo ang protocol plate number 7 ng SUV na dumaan sa EDSA busway kagabi na muntik makasagasa sa isang tauhan ng Department of Transportation (DOTr) at takasan ang mga ito matapos lumabag.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero, ipinarating sa kanya ng Land Transportation Office (LTO) na iniimbestigahan pa ang Cadillac Escalade at bini-verify kung tunay ang plakang 7.

Giit ni Escudero, malinaw na may paglabag sa batas ang naturang SUV na nahuling iligal na dumaan sa bus lane dahil sa pagkakaalam niya ang mga pinapayagan lamang na dumaan rito ay presidente, vice president, Senate president, speaker of the House at chief justice.


Oras naman na malaman kung kanino ang nasabing SUV ay kailangan lamang iprisinta kung sino ang nakasakay o nagmamaneho kung nagkaroon ng paglabag, kailangan ding magbayad ng multa at kung may violation sa paggamit ng protocol plate ay kailangang i-surrender ito.

Samantala, nilinaw naman ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi sa kanya at wala siyang sasakyan na Cadillac Escalade na may number 7 na plaka na dumaan sa bus lane.

Aniya, ang mga sasakyan niya na inisyuhan ng plate number 7 ay Toyota Sequoia at Alphard.

Facebook Comments