
Cauayan City – Masuwerteng nakaligtas ang tatlong estudyante matapos mahulog ang sinasakyang SUV sa Overflow Bridge, Provincial Road, Brgy. Fugu, Echague, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Echague Police Station, sangkot sa insidente ang 20-anyos na driver, estudyante, residente ng Purok 7, Andres Bonifacio, Diffun, Quirino, kasama ang dalawang pasaherong kapwa estudyante rin na mula sa Calaocan, Alicia, Isabela, at San Guillermo, Isabela.
Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, galing ang mga estudyante sakay ang SUV sa Brgy. Camarag, San Isidro at papasok ng Brgy. Fugu, Echague, Isabela.
Nang tahakin na ng sasakyan ang tulay sa Brgy. Fugu, nawalan ng kontrol ang driver sa manibela dahilan para sumalpok sa rip rap wall ang sasakyan at mahulog sa tulay.
Agad naman itong nirespondehan ng Echague Rescue Team sa pakikipagtulungan ng tobacco farmers para maiahon ang mga biktima mula sa pagkakahulog sa tulay.
Samantala, dinala sa Adventist Hospital sa lungsod ng Santiago ang mga biktima upang lapatan ng agarang lunas.