Posibleng ilabas ngayong araw ng Department of Health (DOH) ang resulta ng swab test ng mahigit 200 close contacts ng pilipinong tinamaan ng COVID-19 UK variant.
Sa isang panayam, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na natukoy na nila ang 214 close contacts ng pasyente at kasalukuyan na silang naka-quarantine.
Sa ngayon aniya, nananatili sa isa ang kaso ng bagong variant ng COVID-19 sa bansa.
Pero ngayong linggo, ilalabas ng Philippine Genome Center ang resulta ng pagsusuri nila sa pangalawang batch ng mga sample.
Samantala, ayon kay Vergeire, nakikita na nila ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa kaugnay ng nagdaang holiday season.
Habang sa katapusan ng buwan inaasahang makikita ang epekto ng pagdagsa ng mga tao sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.
Tiniyak naman ng DOH na handa sila sa posibleng pagsipa ng COVID-19 cases.