‘Swab-Upon-Arrival’ Policy ng Cebu, umani ng suporta mula sa mga senador

Sinuportahan nina Senators Ramon “Bong” Revilla Jr., Joel Villanueva, Risa Hontiveros at Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang ‘Swab-Upon-Arrival’ Policy sa Cebu.

Ayon kay SP Sotto, mas magaan ang polisiya ng Cebu para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at Returning Overseas Filipino (ROF) kumpara sa patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) na quarantine muna at swab sa ikapitong araw pa.

Sa liham naman kay Cebu Governor Gwen Garcia, pinuri ni Senator Revilla ang nabanggit na polisiya na nagbibigay konsiderasyon sa mga OFW at ROF.


Paliwanag ni Revilla, walang dapat ipag-alala sa nabanggit na polisiya dahil papauwiin lang naman ang mga dumadating sa international airports kapag negatibo ang resulta ng kanilang swab test.

Giit naman ni Senator Villanueva, hindi lamang “sensible” at “science-based” ang patakaran ng Cebu kundi matipid din at epektibo sa pag-screen ng mga pasahero sa COVID-19.

Diin ni Villanueva, isa itong uri ng ‘health checkpoint’ kung saan hindi na pagdadaanan ng mga OFW ang matagal na quarantine kung negatibo sa swab test kaya makakatipid sila sa oras at pera na mailalaan na nila sa kanilang pamilya.

Tiwala naman si Senator Hontiveros na alam ng Cebu provincial government ang higit na makabubuti para sa mamamayan nito at tiyak na ikinonsidera nitong mabuti ang COVID-19 situation bago inilatag ang nabanggit na polisiya.

Facebook Comments