Bilang tulong para tuluyang mapigil ang pagkalat ng Coronavirus Disease o COVID-19, handa ang lahat ng opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na ibigay ang kanilang sweldo ngayong buwan ng Abril.
Partikular na ido-donate nina Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna at lahat ng City Councilor ang kanilang sweldo sa Philippine General Hospita o PGH.
Aabot sa kabuuang P4.7 million ang sweldo ng lahat ng opisyal kung saan ayon kay Yorme, malaking tulong ito para sa pagpapalakas ng kakayanan ng mga Frontliner sa Healthcare sector para labanan ang outbreak ng COVID-19.
Matatandaan na ang PGH ay isa sa mga referral hospital na inirekomenda ng DOH kung saan tumatanggap na sila ng mga pasyenteng positibo ng COVID-19 maging ang mga Person Under Investigation.
Samantala, umaabot na sa 156 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila habang nasa 395 na ang Person Under Investigation.
Nasa 25 naman ang nasawi dahil sa COVID-19 at 14 na ang nakarekober.