Pinadodoble ni Committee on Health Vice Chairperson at Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor ang sweldo ng ating mga nurses upang hindi umalis ang mga ito ng bansa pagkatapos ng COVID-19 pandemic.
Ibinabala ni Defensor ang posibleng pagkakaroon ng shortage o kakulangan ng mga nurses sa bansa sa oras na matapos ang kinakaharap na krisis ng buong mundo.
Ayon kay Defensor, hindi malabong ang mga mayayamang bansa ay kikilos para palawakin ang kanilang public health system capacity sa oras na humupa ang pandemic sa pamamagitan ng pagre-recruit ng mas maraming Pinoy nurses.
Sa ngayon aniya ay may kautusan ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na pansamantalang itigil muna ang deployment ng mga nurses at 12 iba pang categories sa ilalim ng medical professionals/technicians sa bansa dahil sa pagkalat ng mapanganib na respiratory disease.
Duda si Defensor na mapipigilan ng gobyerno ang mga nurses na mag-abroad at humanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa.
Dahil dito, hinikayat ng mambabatas ang Kongreso na itaas sa P60,000 ang starting pay ng mga bagong nurses sa public at private hospitals upang mahikayat ang mga ito na hindi na umalis ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, ang mga nurses na nagtatrabaho sa mga ospital na pinamamahalaan ng DOH ay nakakatanggap ng P32,053 starting pay at sa ilalim ng Salary Standardization Law for civil servants ay mayroong taun-taon na pagtaas hanggang sa umabot sa P36,619 na starting pay sa pagsapit ng 2023.