
Malaki ang naging papel ng sworn affidavit ng whistleblower na si Sgt. Orly Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control anomaly.
Ito ang sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, matapos ang rekomendasyon nito sa Office of the Ombudsman para sampahan ng kaso si dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, para sa abogado ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang sworn testimony ni Sgt. Guteza ay kontra sa ginawang video ni Zaldy Co na hindi naman pinanumpaan.
Ayon pa sa kalihim, bukod pa sa lahat ng kanilang isinumite sa Ombudsman na mga “alleged” contract ng naturang kongresista ay magiging dagdag ebidensya rin ang sinabi ni Orly Guteza.
Matatandaang isiniwalat ni Guteza ang umano’y pagde-deliver nito ng male-maletang “basura” o ibig sabihin ay pera na hindi lang humigit kumulang 3 beses na nagdala sa bahay ni Co at Romualdez.
Una nang pinagdudahan ang kredibilidad ni Guteza matapos na lumabas ang reklamong falsification dahil umano’y pineke ang pirma sa notaryo ng kanyang sinumpaang salaysay.
Mariin namang pinabulaanan ng Philippine Navy ang alegasyon na itinatago ng militar ang “surprise witness” na si Guteza dahil hindi pa rin ito nagpapakita hanggang sa ngayon.









