Kinikilala ng Palasyo ng Malacanang ang resulta ng survey ng Social Weather Station o SWS na nagsasabi na 68% ng ating mga kababayan ang naniniwala sa sangkot sa iligal na droga ang mga opisyal ng Philippine National Police.
Batay din sa survey ay 66% ng ating mga kababayan ang naniniwala na sangkot sa extra judicial killing ang mga Pulis at 57% naman ang naniniwala na nagtatanim ng ebidensiya ang mga pulis sa mga naaaresto ng mga ito.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi nila ikinakaila na mayroon talagang bugok na itlog na gustong sirain ang integridad ng Philippine National Police.
Pero sinabi ni Panelo na sa ngalan ng pagiging patas ay dapat isinama narin ng SWS sa kanilang mga tanong ang mga magagandang nagawa ng PNP dahil umabot na sa 165 ang namatay at 575 ang nasugatang pulis sa mga operasyong isinagawa laban sa iligal na droga. Malinaw din naman aniya na ginagawa ng pamunuan ng PNP ang lahat para malinis ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pagtatatag ng Counter Intelligence Taskforce na siyang naatasang maghabol sa mga tiwaling pulis at nagbanta na aniya si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ito na pananagutin kung magiging mas malala pa sa mga criminal.