SYMS Construction Trading na nasa likod ng P55-M ghost project sa Bulacan, ipinapa-blacklist na ni PBBM; mga opisyal na sangkot, pinakakasuhan

Ipina-blacklist na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang SYMS Construction Trading matapos mabunyag na ghost project ang ₱55-milyong flood control project sa Brgy. Piel, Baliuag, Bulacan.

Pero ayon sa pangulo, hindi lang pag-blacklist ang kahaharapin ng naturang kompanya kundi pati kaso sa ilalim ng Revised Penal Code at RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Tiniyak din ng pangulo na hindi makakalusot ang mga opisyal ng pamahalaang nakipagsabwatan at nag-apruba sa proyekto.

Kasama sa mga posibleng kaso laban sa kanila ang malversation of public funds at falsification of public documents.

Naglabas din ng opisyal na resibo ang Malacañang bilang ebidensiya na nagbayad ang DPWH Bulacan 1st District Engineering Office ng mahigit ₱55 milyon sa SYMS Construction Trading para sa naturang proyekto.

Batay sa pananaliksik ng DZXL News, ang SYMS Construction Trading ay nakapangalan sa isang Sally Nicolas Santos.

Nasa Malolos, Bulacan ang address ng kompanya, ngunit mistulang ordinaryong bahay lamang ang construction firm at ayon sa mga residente, matagal nang walang tao roon.

Sa profile contract mula sa DPWH, nakasaad na ang ₱55-milyong pondo ay mula mismo sa 2025 national budget.

Nakasaad din dito na ang project engineer ng proyekto na si Arjay S. Domasig, subalit sa ngayon ay wala pang lumalabas na impormasyon na magpapatunay ng kanyang pagkakakilanlan.

Facebook Comments