Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagkaroon ng pagbabago sa presyo ng ilang pangunahing bilihin sa bansa sa ikalawang bahagi ng Hunyo partikular sa agricultural commodities.
Batay sa pinakahuling monitoring system ng PSA, kabilang sa tumaas ang presyo ay ang karne ng baboy, luya, at kamatis.
Nabatid na sa unang bahagi ng buwan ng Hunyo, dalawang piso na ang itinaas sa presyo ng kada kilo ng baboy na nasa ₱305.30 mula sa dating ₱303.76 per kilo.
Tumaas din nang halos otso pesos ang retail price ng kamatis kung saan, mula sa dating ₱71.47 pumalo na ito sa ₱80.07 sa unang bahagi ng nasabing buwan.
Habang ₱15 naman ang itinaas ng luya na mula sa ₱185.87 kada kilo ay umakyat na ito sa mahigit dalawandaang piso sa huling bahagi ng Hunyo.
Tumaas man ang ilang pangunahing bilihin sa merkado, nagkaroon naman ng bahagyang pagbaba sa presyo ng bigas, galunggong, kalamansi, at asukal.
Mula kasi sa ₱196.22 ay bumaba na sa ₱193.98 ang kada kilo ng galunggong sa huling bahagi rin ng Hunyo.
Paliwanag ng PSA, dalawang piso naman ang ibinaba ng kada kilo ng kalamansi na ngayon ay nasa ₱94.12 na lang.
Samantala, naitala naman sa ₱87.19 ang presyo sa kada kilo ng refined sugar habang ₱51.14 ang kada kilo ng regular milled rice.