Nakatakdang magpulong mamayang alas 2:00 ng hapon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at mga provincial bus operators para sa pagbubukas ng Modified Provincial Public Utility Bus (PUB) routes sa Miyerkules, Sept. 30, 2020.
Sa interview ng RMN Manila, kay Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) Director Alex Yague, kanilang iaapela sa LTFRB na payagan silang magtaas ng pasahe dahil lugi ang mga operator lalo na’t 50-percent ng seating capacity lang ang papayagan bumiyahe.
Inaapela rin ng grupo na buksan na rin ang ilan pang ruta sa Norte, Bicol Region at Visayas.
Samantala sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano na ang pagbubukas ng ibang ruta ay nakadepende sa Local Government Units at sa Inter-Agency Task Force.
Pero, sinabi ni Bolano na bukas ang LTFRB sa ihahain ng provincial bus operators na pansamantalang taas pasahe.
Sa magaganap na pagpupulong, pa-plantsahin ang mga ipatutupad na protocol sa gitna ng General Community Quarantine sa Metro Manila, batay sa inilabas na Memorandum Circular 2020-051 ng LTFRB.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga provincial bus ng valid Certificate of Public Vonvenience (CPC) o application for extension of validity, personal passenger insurance policy at QR code.
Nabatid na 12-ruta ang bubuksan sa Sept. 30, 2020 na kinabibilangan ng sa San Fernando, Pampanga, Batangas City, Lemery, Lipa City at Nasugbu sa Batangas, Indang, Mendez, Tagaytay City, at Ternate sa Cavite, Calamba City, Siniloan at Sta. Cruz sa Laguna.