Manila, Philippines – Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang mangyayaring taas-pasahe hanggang Marso.
Kasunod ito ng mga hirit na dagdag-pasahe ng ilang transport services dahil sa nakaambang pagmamahal sa presyo ng langis bunsod ng TRAIN Law.
Ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada – malayong maaprubahan agad ang mga petisyon dahil kailangang dumaan ang mga ito sa proseso.
Siniguro rin naman ng Department of Transportation (DOTr) na hindi apektado ng TRAIN Law ang pasahe sa MRT.
Sabi ni DOTr undersecretary for Rails Atty. Timothy John Batan – bago planuhin ang taas-pasahe, pagagandahin at aayusin muna nila ang serbisyo at pasilidad ng MRT gayundin ng LRT at Philippine National Railway.
Sa Abril naman target na maibalik ng MRT-3 sa dating schedule ang operasyon ng mga tren nito.
Sa ngayon kasi, limitado pa rin sa 15 tren ang napapatakbo tuwing peak hours kung saan ginawang 5:30 am ang simula ng train operation habang 10:30 pm ang huling biyahe.