Papakiusapan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang mga shipping companies na ipagpaliban muna ang pagpapatupad taas-pasahe sa barko lalo’t marami ang magsisiuwian sa mga probinsya para sa Holy Week.
Nabatid na noong nakaraang linggo ay nagpatupad na ng 10% hanggang 20% na taas-pasahe sa mga pasahero at rolling cargoes sa Batangas Port bunsod ng sunod-sunod na oil price hike.
Ayon kay MARINA Administrator Vice Admiral Robert Emedrad, hindi nila kayang pigilan ang mga shipping company dahil deregulated ang pamasahe sa mga barko.
Hindi rin naman niya masisisi kung magtaas ang mga ito ng pamasahe lalo’t ilang taon na rin silang lugi dahil sa pandemya.
Dahil dito, papakiusapan na lamang aniya ng MARINA ang mga ship owners na ipatupad na lang ang taas-singil pagkatapos ng Mahal na Araw o kaya ay babaan ang dagdag-pasahe.
Dagdag pa ni Emedrad, makakatulong din kung papayagan na ang 100% capacity sa mga barko para madagdagan ang kanilang kita.