Tinutulan ng grupo ng mga manggagawa ang nakaambang taas-pasahe sa LRT at MRT.
Ayon sa Federation of Free Workers (FFW), hindi dapat ipasa sa mga manggagawa ang naging lugi ng mga train system dahil sa pandemya.
Nabatid na humirit ang LRT-1 ng ₱17 hanggang ₱44 na taas-pasahe mula sa kasalukuyang ₱11 hanggang ₱30.
₱14 hanggang ₱33 naman mula sa kasalukuyang ₱12 hanggang ₱28 ang hiling na dagdag-pasahe ng LRT-2 sa stored value tickets nito habang ₱15 hanggang ₱35 sa single value tickets mula sa kasalukuyang ₱15 hanggang ₱30.
Apat hanggang anim na pisong fare hike naman ang hirit ng MRT-3.
Giit ni FFW union leader Jun Ramirez, sa halip na fare increase ay maaari namang kunan ng dagdag pondo para sa kanilang operasyon ang subsidiya ng gobyerno gayundin ang kita mula sa mga renta at advertisement.
Panawagan ng grupo sa Department of Transportation at Department of Labor and Employment, iprayoridad ang kapakanan ng mga manggagawa at humanap ng ibang solusyon na hindi kakailanganing magpatupad ng dagdag-pasahe.
Kasabay niyo, nanawagan din sila sa gobyerno na magbigay ng mga non-wage benefits sa mga manggagawa gaya ng health at housing assistance maging ng transportation subsidies habang nakabinbin ang hirit nilang dagdag-sahod.