Taas pasahe sa taxi, pinapasuri sa DOTr

Manila, Philippines – Pinarereview ni Assistant Minority Leader at AANGAT TAYO PL Rep. Harlin Neil Abayon sa Department of Transportation ang naging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na itaas ang flag down at running time rate ng mga taxi.

Giit ni Abayon, ang bagong flag down rate na P40 para sa unang 500 metro at ang P2.00 na singil sa kada minuto na running time rate ay masyadong mataas para sa mga pasahero.

Lumalabas na ang limang kilometrong byahe na aabot sa sampung minuto ay magkakahalaga na ng P127.50 dahil sa P40 na flag down rate, P67.50 na batay nama sa P13.50 na kada singil sa susunod na 300 metro at P20 na running time.


Dagdag pa ng kongresista, kung ang kukuwentahin naman ay ang biyahe mula Cubao, Quezon City papuntang Ayala ave., Makati City, na nasa 10-kilomentro ang distansya, ang pamasahe sa taxi ay magiging P265.00 na hindi hamak na mas mataas pa sa average fare na P236.00 ng Grab at P234.00 ng Uber.

Kung hindi babawiin ang taas-pasahe na ito ay dapat na obligahin ng LTFRB ang mga operator at driver na magkakaroon ng malinis, maayos at komportable na unit para sa mga pasahero.

Gayundin, dapat maging magalang, may malasakit at hindi pumipili ng pasahero at lugar na paghahatiran, at hindi nangongontrata sa mga pasahero.

Facebook Comments