Manila, Philippines- Ipinatupad na ang bagong excise tax ng malalaking kumpanya ng langis.
Sa datos ng Department of Energy, 408 mula sa kabuuang higit 1,000 istasyon ng Shell sa Luzon ang nagtaas ng presyo dahil sa excise tax.
Nasa 245 gasolinahan naman ng Petron sa Luzon ang nagpatupad ng excise tax habang 178 istasyon naman sa Caltex sa buong bansa.
Kasabay nito, kinumpirma ni Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella, na naglabas sila ng Show-Cause Order sa mga gasolinahang nagpataw ng excise tax mula Enero 8 hanggang 10.
Aniya, may ilang kumpanya rin ang iimbestigahan dahil kulang ang isinumiteng dokumento kaugnay sa mga produktong inilabas sa refinery o depot.
Samantala, taas naman ngayong araw ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa pagmahal ng imported na fuel products.
Epektibo alas 6 ng umaga, may dagdag na P0.55 sa kada litro ng Diesel at Kerosene habang P0.80 naman ang itataas ng kada litro ng gasolina.
Kung isasama ang excise tax, nasa P3.77 ang kabuuang dagdag sa gasolina habang P3.35 naman sa diesel.